Entries for September, 2013

Magpatawad. Isa ito sa mga magagandang bagay na mahirap ibigay. Para sa mga nasaktan, ang pagpapatawad ay katumbas ng pagsuko sa karapatang magsabi ng, “Tama ako. Mali ka.” Ito ay katumbas ng pagsuko sa karapatang ipaintindi ang prinsipyo. Ito ay katumbas ng pagsuko sa karapatang magalit. Ito ay katumbas ng pagsuko sa nasaing gumanti o maparusahan ang nagkasala.

Sabi ni Corrie ten Boom, ang pagpapatawad ay katulad ng pagpapatunog ng kampana na nasa tuktok ng mga lumang simbahan. Tutunog ang kampana kapag hinila ang lubid na nakakabit dito. Para marinig ang sunud-sunod na ugong, kailangang hilahin ang lubid ng tuluy-tuloy.

Ang pagpapatawad daw ay kagaya ng pagbitaw sa lubid. Sa pagpapalaya sa kapit-kapit na lubid, hindi agad-agad titigil ang pag-ugong ng kampana. Pero kung hindi mo hihilahin ulit ang lubid, unti-unti, magiging madalang ang pag-ugong ng kampana. Hanggang sa hindi mo namamalayan, tumigil na pala.

Sa pagpapasya na magpatawad, mararamdaman pa rin ang sakit na naidulot. Pero kung mananatili sa desisyon na huwag hawakan ang lubid, kung pipigilan ang dalawang kamay sa pagpupumiglas na hilahin ang lubid, na patunugin ulit ang kampana, unti-unti, maghihilom ang sugat. Hanggang sa hindi mo namamalayan, nakangiti ka na pala.

Mahirap magpatawad. Pero isa ito sa mga bagay na nakakagaan ng pakiramdam. Walang perpekto. Lahat tayo may kanya-kanyang sabit, may kanya-kanyang kapulaanan, may kanya-kanyang kabaliwan. Magkakaiba, at lahat, pare-parehong hinuhubog para maging katulad ni Kristo. At sa proseso ng paghubog, hindi maiiwasan na magkasagasaan.

Hindi ito iba sa mga kapatiran sa Efeso. Ngayon ko naiintindihan kung bakit sinabi ni Hesus na ang pagkakaisa ng mga Kristiyano ang patotoo natin sa publiko. Dahil sa kabila ng pagkakaiba-iba natin sa ugali, sa opinyon, sa prinsipyo, sa pag-unawa at sa iba’t iba pang samu’t saring pagkakaiba; kung makakaharap natin ang nakasagupa nating kapatid, matitingnan sa mata, at masasabing, “Mahal kita dahil kay Kristo,” hindi nawalang kabuluhan ang pagkabayubay ni Hesu-Kristo sa krus ng kalbaryo.

Oras na para bitiwan ang lubid.

Patahimikin na ang kampana.

Posted by CarizzCruzem on September 15, 2013 at 08:35 PM | fly with me
« 2013/07 · 2013/10 »